Tiniyak ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na walang ginagawang pag-aklas ang ilang miyembro ng kanilang hukbo.
Kasunod ito ng pagkalat ng maling balita na itinaas sa “full red alert status” ang lahat ng yunit ng Philippine National Police nang dahil sa umano’y destabilization plot at pagbibitiw ng lahat ng mga opisyal ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas.
Ayon kay AFP spokesperson Colonel Medel Aguilar, nananatiling normal ang sitwasyon sa kanilang hukbo at wala anilang paggalaw na nagaganap na may kaugnayan sa nasabing maling impormasyon.
Sa naturang pahayag ay binigyang-diin din niya na ang namataan namang pagkilos sa asset ng PNP ay bahagi ng preparasyon nito para sa Pista ng Itim na Nazareno.
Kaugnay nito ay tiniyak naman ni Aguilar sa publiko na palaging nakabantay ang AFP para protektahan ang taumbayn mula sa anumang uri ng pagbabanta katuwang ang iba’t-ibang security forces ng pamahalaan.
Samantala, sa kabilang banda naman ay inihayag ng tagapagsalita na nagig maayos ang idinaos na change of command ng chief of staff kung saan pormal nang iniluklok bilang bagong pinuno ng AFP si General Andres Centino.
Kasabay nito ay ipinangako naman ni Aguilar sa ngalan ng lahat ng miyembo ng nasabing hukbo na bilang isang professional organization ay magpapatuloy sila sa pagkakaisa sa ilalim ng pamumuno ni Gen. Centino habang patuloy nilang ginagampanan ang kanilang misyon na protektahan ang mamamayan at ipagtanggol ang territorial integrity at sovereignty ng buong Pilipinas.