Nagkasundo ang Armenia at Azerbaijan na magkaroon ng humanitarian ceasefire sa pinagtatalunang rehiyon ng Nagorno-Karabakh.
Ang nasabing hakbang ay kasunod ng tigil-putukan na nilagdaan ng dalawang bansa nitong nakalipas na linggo.
Pero sa kabila ng pinirmahang kasunduan, nagpatuloy pa rin ang mga sagupaan sa pagitan ng magkatunggaling bansa.
Kabilang na rito ang sinasabing missile strike ng Armenia na kumitil sa buhay ng 13 sibilyan sa siyudad ng Ganja, na malayo sa front lines.
Ayon sa foreign ministry ng Azerbaijan, ang pasya ay ibinatay umano sa pahayag ng mga presidente ng Estados Unidos, France at Russia, na kumakatawan sa OSCE Minsk Group.
Sinabi rin ni Anna Naghdalyan, tagapagsalita ng foreign ministry ng Armenia, welcome daw para sa kanila ang mga hakbang tungo sa pagpapahupa ng tensyon sa conflict zone.
Sa panig naman ni Russian Foreign Minister Sergei Lavrov, na siyang pumagitna sa pagitan ng Armenia at Azerbaijan, kinakailangan nilang sumunod sa naunang kasunduan. (BBC)