Nagpadala na ang United States Air Force ng kanilang best fighter jets sa US arsenal na F-22 stealth fighters patungo sa Qatar.
Ang hakbang ng Amerika ay sa gitna na rin ng umiigting na tension sa Middle East lalo na sa pagitan nila ng Iran.
Hindi naman ibinulgar ng US Air Forces Central Command kung ilan lahat ang ipinadalang stealth fighters sa Al Udeid Air Base sa Qatar, liban lamang sa ipinakitang larawan na limang F-22s.
Isang linggo pa lamang ang nakakalipas nang tirahin ng Iran gamit ang surface-to-air missile ang isang US drone habang ito ay nagmamanman sa Strait of Hormuz.
Ilang linggo na rin ang nakaraan nang sisihin naman ng Amerika ang Iran na nasa likod din sa pag-atake sa dalawang tankers.
“These aircraft are deployed to Qatar for the first time in order to defend American forces and interests in the US Central Command area of responsibility,” bahagi ng statement ng Air Force. “The combination of stealth, integrated avionics and supercruise drastically shrinks surface-to-air missile engagement envelopes and minimizes enemy capabilities to track and engage the F-22.”
Ito ang unang pagkakataon na nag-deploy ng top-of-the-line F-22 stealth fighters ang US sa Qatar na merong tropa ng Kano na umaabot sa 11,000.
Bilang bahagi pa rin ng buildup pinakilos na rin ng Washington ang dagdag na 2,000 mga tropa, isang aircraft carrier strike group at B-52 bombers patungo sa rehiyon.
Noong buwan naman ng Abril dumating sa United Arad Emirates sa unang pagkakataon sa kasaysayan ang ilang mga F35A jets Lightning IIs ng US Air Force.
Nito lamang nakalipas na mga araw kapansin pansin ang biyahe ni US Secretary of State Mike Pompeo sa Saudi Arabia at United Arab Emirates dahil sa isyu ng Iran crisis.
Habang si Brian Hook, ang US special envoy to Iran ay umeksena rin sa Kuwait visit.
Ang National Security Adviser naman ni US President Donald Trump na si Secretary John Bolton ay tumungo rin ng Israel para makipagpulong kay Prime Minister Benjamin Netanyahu bago dumiretso ng G20 Summit sa Osaka, Japan.