-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Nagdulot ng takot sa mga sibilyan ang pagsalakay ng mga terorista sa patrol base ng Army at Cafgu sa lalawigan ng Maguindanao Del Sur.

Ayon sa ulat ng 601st Brigade na inatake ng mga myembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang detachment ng Bravo Company ng 40th Infantry Battalion Philippine Army at Cafgu sa Sitio Panang Barangay Kabengi Datu Saudi Ampatuan Maguindanao del Sur.

Agad gumanti ng putok ang tropa ng pamahalaan na tumagal ng ilang minutong palitan ng bala sa magkabilang panig.

Nagdulot ng sobrang takot sa mga sibilyan ang malalakas na putok ng armas.

Umatras ang mga rebelde nang matunugan nila ang karagdagang pwersa ng militar.

Walang nasugatan sa mga Cafgu at Army ngunit hindi matiyak sa BIFF.

Sa ngayon ay nagpapatuloy ang pagtugis ng Joint Task Force Central laban sa BIFF sa bayan ng Datu Saudi Ampatuan Maguindanao Del Sur.