-- Advertisements --

Inamin din ni Philippine Army chief Lt Gen. Cirilito Sobejana na may report na may ilang mga sundalo na ang nabakunahan ng COVID-19 vaccine.

Batay na rin ito sa naging pahayag mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte na nabakunahan na gamit ang Sinopharm vaccine mula China ang ilang units ng AFP.

Sobejana 1

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Sobejana kaniyang sinabi na may alam siyang units sa AFP na kinabibilangan ng mga opisyal at enlisted personnel ang nagpabakuna.

Ayon kay Sobejana, hindi nag-alangan ang mga nasabing mga sundalo na magpabakuna dahil maayos namang naipaliwanag ng mga doktor.

Inihayag din ng heneral na wala siyang nabalitaan na nagkaroonn ng side effects sa kalusugan ng mga sundalong nagpabakuna ng Sinopharm vaccine.

Sa katunayan ilan sa mga ito ay kaniyang nakakausap at “okay” naman ang kanilang mga kalusugan.

Tumanggi naman si Sobejana na banggitin kung anong unit sa AFP ang nabakunahan na ng Sinopharm vaccine.

Ayon sa heneral, isang magandang balita na may bakuna na lalo na at mga sundalo ang unang nabigyan malaking tulong ito bilang proteksiyon sa kanilang kalusugan bilang mga frontliners.

Samantala, ayon naman kay AFP spokesperson MGen. Edgard Arevalo sa ngayon wala pang AFP sanction ng pagbabakuna sa mga miyembro ng AFP.

Sinabi ni Arevalo, kahit inanunsiyo ng Pangulo na maraming sundalo ang nagpabakuna wala pang opisyal na direktiba ukol dito.

Aniya, lubos silang nagpapasalamat sa Pangulong Duterte na bahagi ng bibigyan ng bakuna ay ang mga sundalo na mga tinaguriang frontliners din.