Nakatakdang irekomenda umano ni Philippine Army chief Lt. Gen. Cirilito Sobejana sa AFP leadership na isailalim muli sa Martial Law ang probinsiya ng Sulu.
Ito ay matapos ang madugong kambal na pagsabog kahapon.
Sinabi ni Sobejana, ang kaniyang rekomendasyon ay base sa kahilingan ng mga residente sa probinsiya.
Aniya, layon nito para maibalik na sa normal ang pamumuhay ng mga Suluanos.
Sinasabing naging epektibo raw ang implementasyon ng Martial law sa Sulu nang idiniklara ito sa buong Mindanao.
Isusumite pa ni Sobejana ang kaniyang rekomendasyon ay AFP chief of staff Gen. Gilbert Gapay.
Habang si Gapay naman ang magrerekomenda nito kay Defense Secretary Delfin Lorenzana.
Inaalam na rin sa ngayon ng militar kung may kaugnayan ang magkasunod na pagsabog at ang Jolo Cathedral twin bombing noong taong 2019.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay JTF Sulu commander B/Gen. William Gonzales, nagpapatuloy pa ang imbestigasyon sa insidente at maging ang post blast investigation para matukoy kung anong klaseng IED ang ginamit ng dalawang babaeng suicide bombers.
Hindi pa makumpirma sa ngayon kung ang isa sa dalawang suicide bombers ay banyaga o Indonesian national.
Una nang kinumpirma ni Gen. Sobejana na dalawang babaeng suicide bombers ang nasa likod sa Jolo twin bombings.