Pormal nang manunungkulan bilang ika-55 AFP chief of staff si Philippine Army commanding general Lt. Gen. Cirilito Sobejana simula ngayong araw, kapalit ni outgoing AFP chief Gen. Gilbert Gapay na magreretiro sa serbisyo.
Inaasahang pangungunahan ng Pangulong Rodrigo Duterte ang Change of Command at Retirement Ceremony mamayang alas-5:00 ng hapon sa Camp Aguinaldo.
Si Sobejana ay itinuturing na isang “buhay na bayani” o living hero bilang isa sa mga ginawaran ng pinakamataas na parangal ng militar na “medal of valor” na katumbas ng Congressional Medal of Honor ng Estados Unidos.
Isa siya sa tatlong medal of valor awardees na naging pinuno ng sandatahang lakas ng Pilipinas.
Si Sobejana ay miyembro ng Philippine Military Academy (PMA) “Hinirang” Class of 1987, at pangalawang miyembro ng klase na na-promote bilang 4-star general, kasunod ng kanyang mistah na si PNP chief Gen. Debold Sinas.
Noong Mayo 2019, si Sobejana ay ginawaran ng Pangulong Duterte ng Philippine Legion of Honor (Degree of Legionnaire), para sa kanyang natatanging paglilingkod sa pamahalaan.
Si Sobejana ay aangat sa pamunuan ng AFP sa kritikal na panahon kung saan mahalaga ang papel ng militar sa malawakang pagbabakuna laban sa COVID-19 na ilulunsad sa mga susunod na linggo.
Samantala, tiniyak ni Gen. Sinas na full force ang PMA class of 1987 sa change of command ng AFP na kanikang mistah mamayang hapon.
Ayon kay Sinas ni-request nila na sila ay makadalo sa kabila ng limitadong capacity ng mga indibidwal na dadalo sa aktibidad.
Sinabi ni Sinas, ngayong mistah nila ang AFP chief, tiniyak nitong lalo pang lalakas ang koordinasyon ng PNP at AFP.