-- Advertisements --

Tiniyak ng pamunuan ng Philippine Army ang kooperasyon sa isinasagawang imbestigasyon ngayon ng PNP kaugnay sa nangyaring shooting incident kung saan patay ang isang army major habang sugatan ang isang sarhento.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Phil Army Spokesperson kaniyang sinabi na ongoing na ang parallel investigation hinggil sa insidente.

Binigyang- diin din ni Trinidad na isolated incident lang ang nangyaring pamamaril nitong Sabado sa loob ng Headquarters ng 9th Infantry Division ng Philippine Army sa Camp Weene Martillana, San Jose, Pili, Camarines Sur.

Ayon kay Col. Trinidad, nasawi si Maj Gary Masedman, Finance Executive Officer, habang sugatan naman si Sgt Manuel Colico matapos umanong barilin ni Capt Martin Anosa Jr.

Agad namang tumakas ang suspek na si Capt. Anosa pagkatapos ng insidente at kinaluanan ay natagpuan na siya sa kanyang kwarto na patay din na mistulang nag suicide.

Base aniya sa paunang imbestigasyon nakikipagtalo sa kanyang girlfriend ang kapitan at humingi ng tulong ang babae sa opisina ng Major.

Sumunod ang kapitan sa opisina ng Major at dun na umano binaril ang nakatataas na opisyal, at isang sarhento na sa ngayon ay stable na ang kondisyon.

Giit pa ng opisyal na hindi kinukunsinti ng militar ang mga kriminal na gawain ng kanilang mga tauhan.

Kapwa nakatalaga sa 5th Finance Service Field Office (FSFO) ng 9th Infantry Division sa Camp Weene Martillana ang mga biktima at suspek.

Sinabi ni Col. Trinidad, nais din ni Phil. Army Commanding General, LtGen. Romeo Brawner na hindi na maulit pa ang ganitong mga insidente sa hinaharap.