CENTRAL MINDANAO – Personal umanong alitan o rido ang natatanaw na motibo ng mga otoridad sa nangyaring pamamaril sa isang Army colonel sa syudad ng Cotabato.
Nakilala ang nasawi na si Ramil Lugiuman, 34, may asawa at residente ng Barangay Lauinday, Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte.
Nakaligtas naman si Lt. Col. Maniagu Balayman Macalintangui, 49, na nakatalaga sa Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (OPAPP).
Ayon sa ulat ng Cotabato City Police Office (CCPO) na lulan ang mga biktima sa isang kulay pulang Montero Sports sa bahagi ng Sinsuat Avenue, Barangay Rosary Heights 9 sa lungsod ng ito ay dikitan ng riding in tandem suspects at pinagbabaril gamit ang kalibre .45 na pistola.
Mabilis namang tumakas ang mga suspek at hindi na inabutan ng mga nagrespondeng pulis.
Agad dinala ang driver na sugatan sa pagamutan ngunit hindi na ito umabot ng buhay.
Sa ngayon ay nagpapatuloy pa ang imbestigasyon sa naturang kaso ng Cotabato City PNP sa pamumuno ni Colonel Querubin Manalang.