-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Pormal ng pinasinayaan ng militar ang bagong tayong detachment ng mga sundalo sa Balanni, Santo Niño, Cagayan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Sgt. Jake Lopez ng 502nd Infantry Brigade ng Philippine Army, sinabi niya na ang pagpapatayo ng nasabing kampo ay kahilingan ng mga residente ng nasabing lugar kung saan nakipagtulungan din sila sa pagpapatayo nito.

Bunsod nito ang pananatili ng mga New Peoples Army (NPA) sa kanilang lugar na nagreresulta ng engkwentro sa pagitan ng militar at NPA.

Ayon kay Sgt. Lopez, gumawa ng resolusyon ang mga opisyal ng nasabing lugar upang hilingin sa pamunuan ng 5th Infantry Division ng Philippine Army ang pagpapatayo ng kampo sa kanilang lugar.

Marami na rin aniyang residente ng nasabing lugar at ng mga karatig lugar nito ang sumasailalim sa training ng Citizen Armed Force Geographical Unit o CAFGU dahil gusto umano nilang sila na mismo ang magprotekta sa kanilang lugar laban sa mga New Peoples Army o NPA.

Nilinaw din ni Sgt. Lopez na hindi sila basta bastang nagpapatayo ng kampo sa isang lugar dahil kailangan din aniyang may pahintulot mula sa mga opisyal at residente nito.