Mahigit 1,400 aplikante ang nagpunta sa unang araw ng Philippine Army Recruitment Caravan sa Fort Bonifacio, Taguig City nitong Sabado.
Kabilang dito ang 150 aplikante sa Officer Candidate Course (OCC) na kumuha ng pre-qualifying Armed Forces of the Philippines Service Aptitude Test (AFPSAT).
Bukod sa Officer candidates, bukas ang recruitment sa mga nais maging sundalo, reservist o civilian human Resource ng Philippine Army.
Ang dalawang araw na recruitment caravan ay bahagi ng isang-buwang pagdiriwang ng ika-125 anibersaryo ng Philippine Army.
Ayon kay Phil. Army Spokesperson Col. Xerses Trinidad, ang mga matatanggap na aplikante ay makakakuha ng buwanang sahod na P33,000.00 para sa candidate soldier; P37,000 para sa enlisted personnel na may ranggong private; P41,000 para sa Officer candidate; at halos P50,000 para sa 2nd Lt. na pumasok sa aktibong serbisyo.
Bukod pa dito ay mayroon din silang insurance, healthcare, at housing benefits; pagkakataon na lumahok sa local at foreign training; at iba pang mga oportunidad sa kanilang permanenteng trabaho.