Hindi natuwa si Philippine Army Scout Ranger Lt Col. Ruben Guinolbay sa paggamit sa kanyang apelyido ng isang hired killer na naaresto ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Diadi, Nueva Vizcaya, noong Sabado.
Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo kay Lt. Col Guinolbay, nasorpresa aniya siya nang malaman na may gumagamit sa kanyang apelyido na isang hired killer.
Sinabi ni Guinolbay na hindi magandang balita ito dahil nagagamit ang kaniyang pangalan para sa pagpatay ng mga inosenteng indibidwal.
Sa inis ni Col. Guinolbay, kaniyang sinabi na dapat pugutan na ng ulo ang nagngangalang George Ginabay upang hindi na kumalat pa ang lahi nito.
Natuwa naman ang opisyal na naaresto na ang suspek at dapat managot ito sa kaniyang ginawa.
“Hindi ako natutuwa sa ginawa niya, ako pinaka iingat ko ang aking pangalan,” wika ni Guinolbay.
Si Guinolbay ay miyembro ng Philippine Military Academy BANTAYLAYA Class of 1994 at itinuturing na bayani noong kasagsagan ng Lamitan siege.
Nabatid na nagpakilalang isang Army corporal at miyembro ng Scout Ranger si George na siyang ginagamit na pang-akit sa kaniyang mga kliyente.
Positibo ring kinilala si Ginabay ni Mayor Avelino Amangyen ng Paracelis, Mountain Province, na umatake at nanaksak sa kanya.