-- Advertisements --

Pinaalalahanan ng hepe ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang mga tropa ng 2nd Infantry Division (2ID) ng Philippine Army sa Rizal na maging handa sa pag-secure sa Metro Manila, ang nagsisilbi umanong “seat of government”.

Ginawa ni AFP chief of staff General Romeo Brawner Jr. ang pahayag kasabay ng pagdiriwang ng ika-49 na anibersaryo ng 2ID sa Camp General Mateo Capinpin sa Tanay, Rizal.

Sa kaniyang mensahe, sinabi ng AFP chief na umaasa ang Sandatahang Lakas sa 2ID na susuportahan ang pwesto o kinaroroonan ng gobyerno at pananatilihin ang katatagan ng bansa.

Ipinaliwanag pa ni Gen. Brawner na ang 2ID ang malapit sa Metro Manila. Isa ito sa infantry divisions na reresponde sa mga banta gaya na lamang kung magka-giyera o destabilisasyon.

Hindi lang aniya ito paalala kundi panawagan din sa lahat ng mga sundalo na dapat magkaisa at laging maging propesyunal.

Ito ay sa gitna ng napakaraming problema ng ating bansa, hindi lamang internal security threats, kundi nariyan ang lawless elements at isyu sa West Philippine Sea.