Inihayag ngayon ng abugado ni suspended Negros Oriental 3rd District Representative Arnolfo Teves Jr. na gumawa ito ng ilang mga kahilingan upang matiyak ang ligtas na pagbabalik nito sa bansa matapos maiugnay sa kaso ng pagpatay kay Governor Roel Degamo.
Sa isang Media Forum sinabi ni Atty. Ferdinand Topacio, legal counsel ni Teves , ang naturang request ay hindi special treatment o isang bargaining expedition at ito ay para lamang sa kaligtasan ng mambabatas.
Nagpasalamat naman si Topacio kay House Speaker Romualdez dahil sa pagpayag nito sa ilan sa mga kahilingan ni Teves.
Paglilinaw pa nito na hindi sila binobola ni Romualdez.
Sa katunayan aniya ay sinasabi nito ang mga request na maaaring tuparin at ang mga request na hindi maaaring gawin.
Sa kabila nito ay siniguro ng mga legal counsel ni Teves na uuwi naman ng bansa ang kanilang kliyente upang harapin ang mga isyung ipinupukol laban sa kanya ngunit sa ngayon ay hindi pa malinaw kung kailan.