-- Advertisements --
PH sea games arnis

BACOLOD CITY – Aminadog makailang ulit na nahirapan at naiyak si arnis gold medalist Sheena Del Monte dahil sa mga techniques na hindi niya kinaya.

Liban dito nilalagnat pa siya nang sumabak sa padded stick match kaya hindi siya makapaniwalang naipanalo niya ang kanyang laro kahapon.

Sa panayam ng Star FM Bacolod kay Del Monte, nabaliwala aniya ang lahat ng struggles niya ng makapagbulsa ng gold medal sa women’s division ng arnis.

”Yong pressure po talaga na naiiyak na ako kasi sa sobrang lapit na po ng laro nagbabago pa po yong laro ko. Nagkaka injury pa po. Tiyaka habang naglalaro kanina sobrang sama ng pakiramdam ko nilalagnat pa po ako. Isa pa yon na struggle na naramdaman ko pero fighting spirit parin po at pumuso lang po ako sa laro ko,” pahayag ni Del Monte.

Nakapanayam din ng Star FM Bacolod ang isa pang padded stick player sa men’s division na si Jesfer Huquire at na ikwento niyang biglaan lang ang pagsubok niya noon sa arnis kung saan makailang ulit din niyang naramdaman na wala siyang silbi sa nasabing laro dahil sa maraming beses niyang pagkatalo.

Pero hindi niya inakalang isa na siya ngayong arnis gold medalist sa SEA GAMES.

”Noong lagi po akong natatalo na parang tingin ko sa sarili ko wala na talagang akong skills sa larong Arnis. Pero lumaban pa rin po at nagpapasalamat po ako sa larong Arnis. Napakaraming napakahirap na proseso ang pinagdaanan namin,” sabi pa ni Huquire.

Si Del Monte at Huquire ay kasama sa Philippine arnisadors na nakapag-ambag ng kabuuang 12 gold medals sa ikalawang araw ng 2019 Southeast Asian (SEA) Games.