Itinakda ng Manila Regional Trial Court (RTC) Branch 46 ang arraignment kay online news site Rappler CEO Maria Ressa sa kaso nitong cyber libel sa susunod na buwan.
Ayon kay Judge Rainelda Estacio Montesa, ang pagbasa ng sakdal kay Ressa ay itinakda sa Abril 12.
Aniya, ipinagpaliban daw ang arraignment na isasagawa sana ngayong araw para mabigyan ng pagkakataong madinig muna ang motion to quash ang kasong inihain ng kampo ni Ressa hanggang sa Marso 25.
Kapag nakapaghain ng kani-kanilang pleadings ang bawat kampo ay reresolbahin ang motion to quash na maaring pabor o hindi sa bawat panig.
Nabatid na laman ng motion to quash si Ressa ang pagpapabasura nito sa kanyang cyberlibel case dahil sa kawalan umano ng basehan.
Katwiran nila, Abril 2014 nang maisapinal ang cyber crime law kung kaya’t hindi pasok sa cyber libel ang pag-update ng article ng Rappler noong February 2014 laban sa negosyanteng si Wilfredo Keng.
Matatandaang 2012 pa naisulat ng Rappler ang article na pagmamay-ari umano ni Keng ang sports utility vehicle (SUV) na noo’y ginamit ni yumaong Chief Justice Renato Corona pero ito ay na-update noong 2014 dahil sa typographical error.