-- Advertisements --

Muling ipinagpaliban ng Sandiganbayan ang arraignment sa mga kaso ni Camarines Sur Rep. Rolando Andaya Jr. na may kinalaman sa P900-milyong Malampaya fund scam.

Ayon sa clerk of court ng anti-graft court 3rd Division na si Atty. Dennis Pulma, ni-reset sa July 12 ng alas-8:30 ng umaga ang pagbabasa ng sakdal sa mga kasong graft at malversation ni Andaya.

Ito’y dahil umano sa inihain nitong petition for certiorati sa Supreme Court para magkaroon ng temporary restraining order ang kanyang kasong graft.

Kaugnay nito, binigyan ni Presiding Justice Amparo Cabotaje-Tang ang prosekusyon ng 10-araw para makapaghain ng komento sa naturang petisyon ni Andaya.

Bukod sa re-schedule ng arraignment, itinakda na rin ng korte sa naturang petsa ang pre-trial ng kaso.

Nahaharap sa 97 counts ng kasong katiwalian at malversation si Andaya matapos umanong aprubahan ang funding ng relief operations sa mga naapektuhan ng bagyong Ondoy noong ito pa ang kalihim ng Department of Budget and Management.

Nabatid na napunta lang sa pekeng non-government organizations ni Janet Lim-Napoles ang naturang pondo makaraang atasan ang Department of Agrarian Reform na i-implementa ang proyekto.