Binigyang-diin ni Senate committee on women, children and family relations chairperson Sen. Risa Hontiveros na simula pa lang ng pagpapanagot sa batas kay suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo o Guo Hua Ping.
Ayon kay Hontiveros, napakaraming pananagutan sa batas ng suspendidong alkalde kaya nararapat lamang na obligahin itong humarap sa mga isyung ibinabato sa kaniya.
Giit ng panel head, sa dami ng kasinungalingan at posibleng krimen ni Mayor Alice at ng lahat ng sangkot sa POGO, hindi na lang procedural ang pagdakip sa mga ito, kundi parte na rin ng pag-iingat para sa kapakanan ng mga Filipino na nalilinlang ng Bamban mayor.
Para sa senadora, patuloy raw nilang hinihintay sa Senado ang pagdalo ni Guo sa susunod na hearing, kasama na ang lahat ng taong nasa listahan na cited in contempt.
“The issuance of the arrest order is only the first step to making Mayor Alice Guo or Guo Hua Ping accountable to our laws. Sa dami ng kasinungalingan at posibleng krimen ni Mayor Alice at ng lahat ng sangkot sa POGO, this is not merely procedural. This arrest order upholds the mandate of the Senate to safeguard the well-being of Filipinos. Patuloy naming hinihintay sa Senado ang kanyang pagdalo sa susunod na hearing, kasama na ang lahat ng taong nasa listahan na cited in contempt.”
Sen. Risa Hontiveros
Dagdag pa ng mambabatas, hindi mabubura ng pagtatago ang katotohanan at lilitaw din ito, kung saan mas magiging mabigat ang kaso ng mga dawit sa illegal POGO operations.