(Update) Kinumpirma ngayon ng pamunuan ng 10th Infantry Division ang pag-aresto sa consultant ng National Democratic Front (NDF) kaninang umaga sa may Barangay Sirawan, Toril, Davao City.
Kinilala ni 10th ID spokesperson Captain Rhyan Batchar, ang naarestong NDF consultant na si Ariel Mancao Arbitrario.
Kasama sa naaresto ang kasamahan ni Arbitrario si Rhoderic Manuyak.
Ayon kay Batchar, naaresto si Arbitrario sa isang checkpoint ng militar.
Sinabi nito na si Arbitrario ay pinalaya dahil kabilang ito sa mga kalahok sa peace talks sa pagitan ng komunistang grupo at gobyerno.
Pahayag ni Batchar na dahil nag-lapse na ang takdang panahon na ibinigay sa kanila kung kaya’t kailangan na silang maaresto muli.
Anim na buwan lamang ibinigay ng pangulo para sa mga NDF consultants na makilahok sa peace talks.
Ibinunyag din ni Batchar na ang kasama ni Arbitrario na si Manuyak ay mayroon palang warrant of arrest dahil sa kasong murder.
Kinumpirma rin nito na miyembro ng NPA si Arbitrario pero hindi niya batid kung ano ang position nito sa organisasyon.
Sa ngayon nasa kustodiya na ng CIDG region 11 ang naarestong NDF consultant.