-- Advertisements --

Inamin ni House Speaker Gloria Macapagal Arroyo na makailang ulit na siyang nagbigay ng payo kay Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa iba’t ibang usapin.

Sa isang panayam, sinabi ni Arroyo na matagal na silang magkakilala ni Duterte, magmula pa nang siya raw ay Undersecretary pa ng Trade and Industry habang ang huli naman ay bagong alkalde pa ng lungsod ng Davao noong termino ni dating Pangulong Corazon Aquino.

Sinabi ng lider ng Kamara na nang siya ay naging Presidente, si Duterte ang tumayong adviser niya sa peace and order, lalo na sa issue ng iligal na droga at kidnapping.

Kaya naman may mga pagkakataon na napapayuhan din daw niya sa ngayon si Pangulong Duterte sa iba’t ibang usapin hinggil sa presidence nito.

Inihalimbawa na rito ni Arroyo ang meeting nila ni Duterte kung saan humingi raw sa kanya ito ng payo tungkol sa issue sa West Philippine Sea.

Maging sa usapin tungkol sa inflation ay napag-usapan din daw nila at nabigyan niya rin ito ng payo ukol dito.

“Overall, as to whether I give him advice or not, let me put it this way. As somebody who has been President, he does not run out of people who want to give him unsolicited advice and I don’t want to be part of that chorus,” saad ni Arroyo.