Umaapela si Davao Archbishop Romulo Valles sa mga suporter ng Kingdom of Jesus Christ at mga miyembro ng Philippine National Police na maging mahinahon sa gitna ng nagpapatuloy na komprontasyon ng dalawang panig.
Ayon kay Archbishop Valles, ginagawa niya ang apela sa ngalan ng kapayapaan.
Aniya, kailangang magrespetuhan ang bawat isa at hayaang mamayani ang kahinahonan.
Hiniling din ng arsobispo sa mga tagasuporta ng KOJC na respetuhin ang pag-iral o pagpapatupad ng batas.
Sa kabilang dako, hinimok din niya ang mga pulis na maging ‘considerate’ sa pagsasagawa ng kanilang operasyon sa loob ng compound.
Tinawag din niyang ‘alarming and troubling’ na makita ang napakahabang paggalugad kasama ang napakaraming mga pulis sa loob ng isang compound kung saan isinasagawa ang pagsamba at edukasyon ng mga kabataan.
Samantala, hinimok din ni Valles ang publiko na manalangin para sa tuluyan nang ikareresolba ng naturang sitwasyon.