-- Advertisements --

DAVAO CITY – Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang Maco Municipal Police Station sa Compostela Valley province sa pagkasawi ng anim katao sa pagkasunog ng isang bahay, madaling araw ng Huwebes, sa Purok 9-A, Adecor Compound, Poblacion, Maco, Compostela Valley province.

Dahil sa bilis ng pagkasunog ng kanilang tirahan, hindi na nakalabas ang mga biktima na nakulong sa sunog.

Ang natupok na bahay ay pagmamay-ari ng isang Marina Villarosa.

Kinilala ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang mga biktima na sina Carmen Bilocura, 55; Ian Bilocura, 24; Marjan Ardon, 22; Kisses Ardon, anim na buwan; Rico Bilocura, 19 at Karen Bosalla, 20.

Nawawala naman ang isang Jane Ryle, 13-anyos.

Napag-alaman na nag-arkila lamang sa nasabing bahay si Carmen Bilocura, kasama ang kaniyang mga anak.

Lumabas sa paunang imbestigasyon na sinadya ang pagsunog sa bahay at ang itinurong suspek ay ang live-in partner ni Carmen.

Umabot sa P300,000 ang pinsala sa nasabing pangyayari.

Ibinurol ang sunog na bangkay ng mga biktima sa punerarya ng Maco, Comval.