“Sold out!” Yan ang ipinagmalaki ng award-winning singer and actor na si Mark Bautista matapos ngang mabili lahat ang kanyang mga paintings na bahagi ng Shop and Share celebrity campaign.
Sa exclusive interview ng Star FM Baguio kay Mark, ikinuwento nito na dahil nasira ang kaniyang laptop at hindi siya makabahagi sa ilang mga online benefit concerts ay nag-isip siya ng ibang paraan para makatulong sa mga apektado ng COVID-19 pandemic.
“Nung lockdown, nagkaroon ng maraming online livestream shows. May invitations akong natatanggap. That time, nasira yung laptop ko. Sabi ko, paano ba to? Medyo na-stress ako. Nag pass ako sa maraming invitations. Na-guilty naman ako. Paano ako makakatulong sa ibang paraan naman? So naisip ko na yung mga paintings ko na lang ang ibenta ko at i-donate ko.”
Naibenta nga ng singer ang sampu sa kanyang mga sariling paintings at umabot sa P410,000 ang kinita nito, na dumiretso nga sa Shop and Share PH na pinangungunahan ni Angel Locsin.
“Kinontact ko sila Angel [Locsin] at Dimples Romana. Meron silang Shop and Share na campaign para tumulong sa mass testing. Natuwa rin ako kasi nabenta lahat ng paintings ko. Maraming tumulong. Alam ko na mahirap sa panahong ito na maglabas ng pera, but maraming sumuporta para makatulong.”
Inamin rin ng 38-year-old hitmaker na noong una ay nag-alinlangan ito kung may bibili ba ng kanyang mga paintings dahil para sa kanya ay hindi pa naman ito kilala sa pagpipinta.
“Actually, nung nag start ako, sabi ko, parang hindi pa naman ako established na nagpa-paint. Baka marami ding nagtitipid ngayon. May ganun akong fear, pero tinuloy ko pa rin kasi who knows, baka may magkagusto sa paintings ko. So tinuloy ko pa rin siya.”
Kwento rin ni Mark na dahil sa quarantine ay naituloy niya ang kanyang hilig sa pagpipinta. Ayon rito, hindi niya naituloy ang kanyang pag-aaral ng architecture dahil sa pagpasok nito sa kanyang music career.
Natutuwa rin naman ito dahil naibenta niya man ang lahat ng kanyang mga paintings ay nakagawa siya muli ng isang panibagong obra na natapos niya sa kasagsagan ng quarantine.
“Nag-aral kasi ako ng architecture nung college pero hindi ko tinapos kasi nga nagkaroon ako ng singing career. Parang itong panahon na ito, perfect time na gisingin ko yung hilig ko sa pagpinta. High school pa lang ako, may interest na ko to paint. Ngayon, andaming oras na pwedeng gamitin so nag-explore ako kung ano pang pwedeng gawin. May bago akong ginawa. May isa akong natapos.”