Hinihimok ng Anti-Red Tape Authority (ARTA) ang mga local government units na i-streamline ang kanilang mga pamamaraan at makita ang mas magandang resulta sa paglikha ng isang masiglang ekonomiya na itinutulak ng pribadong sektor.
Pinangungunahan ng ARTA ang isang serye ng mga regional summit, na ngayon ay nasa ikatlong yugto upang tulungan ang mga tanggapan ng gobyerno at pribadong sektor na makapaghatid ng mga napapanahong serbisyo.
Ayon kay ARTA Sec. Ernesto Perez, sa paglikha ng mas business-friendly na komunidad, ang mga local government units, anuman ang kanilang income classification, ay higit na magpapaunlad sa kanilang ekonomiya.
Bilang bahagi ng pag-streamline ng mga pamamaraan ng gobyerno, pinaalalahanan ng ARTA ang mga LGU na sumunod sa electronic Business One-Stop Shop (eBOSS).
Ito ay isang solong online portal kung saan maa-access ng mga kliyente ang lahat ng kinakailangang serbisyo at impormasyon para sa pagpaparehistro ng negosyo ayon sa mandato ng Republic Act 11032 o ang Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act.
Ipinapakita ng datos ng ARTA na noong Agosto, 627 lamang sa 1,634 na local government units ang nakasunod.
Sa 627, 16 lamang ang fully automated habang ang natitirang 611 ay partially automated.