-- Advertisements --

Nagpaalala si Anti-Red Tape Authority (ARTA) Director General Jeremiah Belgica sa mga opisyal ng gobyerno na huwag ilagay ang kanilang pangalan o mukha sa mga pampublikong dokumento habang papalapit na ang eleksyon.

Marami na raw natatanggap na reklamo ang opisina ni Belgica tungkol sa ilang public servacnts na inilalagay ang kanilang pangalan o mukha sa mga pampublikong dokumento tulad ng permits at licenses.

Ayon kay Belgica, matagal nang sinasamantala ng mga pulitiko ang sistema para lang magparamdam na tatakbo sila sa susunod na eleksyon o ipakita sa mga tao na may ginagawa silang pabor para sa mga ito.

Ang paglalagay aniya ng pangalan o mukha ng isang pulitiko sa government documents ay matagal nang ipinagbabawal sa ilalim ng Anti-Epal provision o General Provision No. 82.

Sa ilalim nng Anti-Epal provision, ipinagbabawal ang self-promotion ng sinumang government officials sa pamamagitan ng pangalan, litrato, programa, proyekto o ano pa mang inisyatibo na pinopondohan ng General Appropriations Act.

Dahil nalalapit na naman ang eleksyon, nagpaalala si Belgica sa kapwa nito kawani ng gobyerno, na tigilan ang paglalagay ng mukha at pangalan nila sa mga government-funded projects dahil pinapasweldo umano sila ng taumbayan at hindi ito utang na loob sa mga opisyal.

Tungkulin ng ARTA na imonitor ang compliance ng mga ahensya sa Republic Act 11032 o ang Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act of 2018, kaya naman nagsasgawa ang ahensya ng suprise inspections sa mga government agencies para tiyakin na maayos nilang ginagawa ang kanilang serbisyo alinsunod sa batas.

Hinihikayat naman ni Belgica ang publiko na kuhanan ng litrato o video ang anumang hindi maayos na serbisyo na kanilang matatanggap mula sa mga ahensya ng gobyerno dahil ito ay paglabas sa batas at Citizen’s charter ng ahensya.