Eksaktong 5:49 ng hapon nang matanggap ni Senate Secretary General Renato Bantug mula kay House Secretary General Reginald Velasco ang kopya ng articles of impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.
Ito ay matapos iendorso ng 215 miyembro ng Kamara ang impeachment complaint laban kay VP Sara.
Ang hakbang ay halos dalawang buwan mula noong naihain ang tatlong impeachment complaints laban kay Duterte sa mababang kapulungan ng Kongreso.
Sa panayam, sinabi ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa, kilalang kaalyado ni VP Sara, na inasahan na niya na mai-impeach ang bise sa Kamara.
Giit ng senador, nakita niya na talaga ang effort ng mga Kongresista na patalsikin ang pangalawang pangulo.
Pabirong sinabi ni dela Rosa na hindi patas sapagkat silang mga nasa Kamara ay mangangampanya na at sila rito sa Senado ay kailangang gampaman ang tungkulin bilang isang Senator Judge.
Si dela Rosa ay reelectionist sa pagkasenador.
Giit pa ni dela Rosa, ang impeachment ay isang political exercise ngunit bilang tatayong hukom pananatilihin daw niyang maging patas sa kabila nang maayos na ugnayan kay VP Sara.
Dahil ngayon ang huling araw ng sesyon ng Kongreso sinabi ni dela Rosa na posibleng sa Hunyo na o pagkatapos na ng eleksyon ito ma-tackle sa plenaryo ng senado.
Samantala, ipinauubaya naman ni House Secretary General Reginald Velasco sa Senado ang gagawin sa impeachment ngayong huling araw na ang sesyon ng dalawang kapulungan ng Kongreso.
Ngunit aniya constitutional mandate ng Senado na tugunan ang impeachment complaint.
Sinabi pa ni Velasco na maaaring mag-convene ang Senado ngayong magb-break dahil ito ay legislative function ng mataas na kapulungan.
Sakaling mag-convene nakahanda naman na aniya ang mga tatayong prosecutor sa Kamara.