Iginiit ng isa sa House prosecutor na valid pa rin ang articles of impeachment laban kay Vice President Sara Duterte na inihain sa 19th Congress sakaling tumawid ito sa 20th Congress.
Sa isang pulong balitaan, ipinaliwanag ng abogadong mambabatas na si Manila Rep. Joel Chua na nasa Senado na bilang continuing body ang bola para dinggin ang Articles of impeachment na trinansmit ng Kamara de Representantes noong Pebrero 5.
Hindi na rin aniya ito bago dahil nangyari na rin ito sa ibang bansa gaya ng Amerika.
Sinusugan naman ni Tingog Party list Rep. Acidre ang pahayag ni Cong. Chua at tinukoy ang pag-impeach noon ng 105th US Congress kay dating US Pres. Bill Clinton subalit nangyari aniya ang impeachment trial sa sumunod na 106th Congress
Binanggit din ni Acidre ang mga probisyon sa konstitusyon na nagtatalaga ng mga partikular na tungkulin ng 2 Kapulungan ng Kongreso sa proseso ng impeachment.
Kung saan ang Kamara ang may eksklusibobg karapatan para mag-impeach habang ang Senado naman ang may tanging kapangyarihang dinggin ang mga kaso ng impeachment.
Dahil naipadala na sa Senado ang Articles of Impeachment, binigyang-diin ni Acidre na kailangan nang gampanan ng Senado ang constitutional mandate nito.
Matatandaan, in-impeach ng Kamara si VP Sara noong Pebrero 5 at ipinadala ang Articles of Impeachment sa parehong araw.