Hinimok ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte ang mga policymakers at eksperto sa edukasyon na tugunan ang mga hamon at “kawalan ng katiyakan” sa paggamit ng artificial intelligence (AI) at iba pang umuusbong na teknolohiya sa digital education.
Inihayag ni Duterte na ang pagdating ng AI ay lilikha ng isang “paradigm shift” sa edukasyon, na dapat gamitin sa layuning mapabuti ang access ng mga mag-aaral sa de-kalidad na edukasyon.
Ayon sa Bise Presidente, sa kasalukuyan, ang paggamit ng AI sa edukasyon ay nagdudulot pa rin ng hiya o takot dahil medyo hindi pa rin ito kilala ng masa.
Binanggit ni Duterte na sa mabilis na pag-usbong ng teknolohiya, ang mga mag-aaral ay patuloy na binabaha ng impormasyon, kaya ang digital education ay dapat nakatuon sa pag-develope ng critical thinking ability ng mga mag-aaral.
Dagdag pa, ang digital education aniya ay dapat ding nakatuon sa communication skills, collaboration at creativity ng mga estudyante.
Binigyang-diin ni Duterte na “ang adaptability at sustainability ng bagong teknolohiya sa sistema ng edukasyon ay dapat pag-aralan ng mga end user bago ang implementasyon.”