-- Advertisements --

Inimbitahan ni Top Rank CEO Bob Arum ang bagong WBO welterweight champion na si Jeff Horn sa Amerika para ipakilala.

Balak ni Arum na isama si Horn sa magaganap na ESPY Award o Excellence in Sports Performance Yearly Award na gagawin sa July 12 sa Los Angeles.

Wala pa namang kumpirmasyon kung tinanggap na ni Horn ang nasabing imbitasyon lalo na at maraming mga fans sa Amerika ang galit na galit sa naging desisyon ng mga judges nang ideklarang talo si Pacman.

Liban dito, nagdadalangtao rin ngayon ang misis ng 29-anyos na si Horn.

Kung sakaling pumayag si Horn na tumungo ng Amerika, inaasahang makahaharap niya ang ilang mga sports analyst na matindi ring bumatikos sa kanya tulad na lamang ni ESPN presenter Stephen A. Smith na halos magwala sa kanyang programa.

Ang promoter ni Horn na si Dean Lonergan ay pabor na tumungo si Horn sa Amerika.

Ang laban nina Pacquiao at Horn ay nagtala ng record sa mga viewers ng higanteng sports network na ESPN.

Samantala, naging laman na rin sa international media ang inihaing protesta ng Games and Amusements Board (GAB) ng Pilipinas sa WBO upang hilingin ang imbestigasyon sa mga naging desisyon ng referee at mga judges.

Agad namang nilinaw ng GAB na hindi naman nila nais na baligtarin ang desisyon kundi parusahan lamang ang mga nagkamali para hindi na maulit sa ibang mga laban.