-- Advertisements --

Nanindigan si Top Rank CEO Bob Arum na hindi dapat harapin ni Sen. Manny Pacquiao ang mas batang si IBF welterweight champion Errol Spence Jr.

Maisasakatuparan kasi ang tapatang Pacquiao-Spence sakaling magapi ni Spence si Shawn Porter sa kanilang unification bout sa Setyembre 29 (Manila time) sa Staples Center sa Los Angeles.

Habang si Pacquiao ay kagagaling lamang sa kanyang tagumpay kontra sa dating walang talong si Keith Thurman nang magsalpukan ang dalawa sa Las Vegas nitong Hulyo.

Ayon kay Arum, masyado raw malaki, mas bata, at mas magaling umano si Spence kumpara sa 40-year-old Pinoy ring icon.

“He won’t take that fight and shouldn’t take that fight, because there’s only one winner and he can get hurt,” wika ni Arum sa isang panayam. “He’s 41 years of age. Now, he looked great with Thurman. But he took punches like he’s never taken before.

Giit ng promoter, sakaling hindi makumbinsi ni Pacquiao si Floyd Mayweather Jr. na magtuos sila sa isang rematch ay dapat na raw isabit ng fighting senator ang kanyang boxing gloves.

Una nang nanawagan si Arum kay Pacquiao na dapat na itong magretiro sa boxing dahil sa pangambang baka magkaroon ng “brain damage” ang eight-division champion.

Subalit sinabi ni Pacquiao na hindi raw dapat na mabahala ang dati nitong promoter sa kanyang kondisyon.