-- Advertisements --

Ikinokonsidera ni Top Rank CEO Bob Arum na idaos sa Middle East o kaya sa Macau ang niluluto nitong banggaan sa pagitan nina Sen. Manny Pacquiao at Terence Crawford.

Ayon kay Arum, kanila na raw tinitingnan ang ilang mga bagay, partikular kung kailan at gaano kabilis ang pagbubukas muli ng nasabing mga lugar na hinaharap din ang problema sa coronavirus.

“The question is do we do it in the Mid East or outside of China in Macau, how quick would they be to open up? We’re working on it. This is not a period of business as usual,” wika ni Arum sa isang panayam.

“When oil was $50 a barrel, [the Middle East] was a target market. Now that it’s down, I don’t know how viable it is. But they’re good fans. The Saudis want to build up tourism. We would be amenable to do events over there. We can’t do the fight in the United States right now because of the travel ban,” dagdag nito.

UNa nang sinabi ni Arum na nagkaroon na raw ng “tentative talks” tungkol sa nasabing welterweight showdown.

Ani Arum, kapwa interesado sina Pacquiao at Crawford na magtuos sa isang unification bout na posibleng isagawa sa labas ng Estados Unidos.

“These are tentative talks. To make it happen, we’d have to do it outside of the United States, and outside of the Philippines, of course. And we’d have to make it work with a big site fee,” wika ni Arum sa isang panayam.

Bago din aniya ang isyu sa coronavirus, iminungkahi na raw noon ng 88-year-old promoter na gawin ang Pacquiao-Crawford face-off sa huling bahagi ng tag-init o sa taglagas.

Sa kabila ng nangyayaring coronavirus pandemic, positibo pa rin si Arum na matutuloy pa rin ang naudlot na negosasyon.