Binabalak ni Top Rank big boss Bob Arum na magsagawa ng card na tatampukan ng limang mga laban sa Hunyo 9 (Hunyo 10, oras sa Pilipinas) sa MGM Grand sa Las Vegas.
Ilulunsad naman ang ikalawang fight card matapos ang dalawang araw, na una sa serye ng twice-a-week boxing bouts sa pagitan ng mga buwan ng Hunyo at Hulyo.
Ayon kay Arum, hindi papayagan ang mga fans sa loob ng venue, at sasailalim sa COVID-19 tests ng dalawang beses ang mga boksingero at lahat ng iba pa.
Sa ngayon ay hinihintay na lamang ang approval ng Nevada Athletic Commission, na magpupulong naman sa susunod na linggo upang talakayin ang paksa, kasama na rin ang dalawang cards na pinaplano ring gawin ng UFC.
Nakabinbin din ang pasya sa kung muling bubuksan ang MGM at iba pang mga hotel sa Las Vegas, na inaasahang mangyayari sa unang linggo ng Hunyo.
“Once we get those fights in and UFC gets its initial fights in, both of us will ask for additional dates,” wika ni Arum.
“The key was getting enough testing, and we’ve got plenty of testing in Nevada to hold our events.”
Hindi naman binanggit ni Arum na kung sino ang maglalaban-laban sa Hunyo, ngunit palalawigin hanggang sa tatlong oras ang mga cards, na katatampukan din ng main event, co-main, at tatlong supporting fights.
“These will be the same guys we were going to have before to the extent possible,” he said.
“Guys like (Olympic medalist) Shakur Stevenson and others who would have been fighting on our cards.”
Maging ang British Boxing Board of Control ay umaasa rin daw na matutuloy na ang sport sa Hulyo, ngunit nagbabala ang governing body tungkol sa mga restriksyon sa bansa.
Sinabi ng promoter na si Eddie Hearn, balak nitong magsagawa ng mga laban sa kanyang Matchroom headquarters sa Essex.
Una nang bumalik sa aksyon ang UFC nitong buwan, kasama na ang isang pay-per-view event, na isinagawa kahit walang manonood.