Hindi maitago ni Alpine skier Asa Miller ang kasabikan sa pagsisimula na ng 2022 Beijing Winter Olympics.
Sinabi ng nag-iisang pambato ng bansa na hindi niya maipaliwanag na nararamdaman dahil siya rin ang magdadala ng watawat ng bansa sa gaganaping opening ceremony ng torneo na unang beses niyang gagawin.
Noong 2018 Pyeongchang Games kasi ay kasama niya bilang flag bearer si figure skater Michael Martinez.
Makakasama naman niya ngayon sa parada sa opening ceremony si Philippine Olympic Committee President Abraham “Bambol” Tolentino, Philippine Ski and Snow Federation chief Billy Sumagui at Chef de Mission Bones Floro.
Ito ang pangalawang beses sa loob ng 14 na taon na magiging host ang China ng Olympics matapos ang 2008 Summer Games.
Magsisimula ang opening ceremonies ng alas-8 mamayang gabi.