PAG-ASA ISLAND – Hindi na bago pa sakaling magprotesta ang China kapag nagsimula na ang gobyerno sa mga konstruksyon ng iba’t ibang pasilidad sa Pagasa Island.
Sinabi ni Defense Sec. Delfin Lorenzana, pangkaraniwan na lamang ito sa tuwing may ganitong mga aktibidad na ginagawa sa isla.
Ayon sa kalihim, ganito rin naman ang ginagawa ng Pilipinas kapag may namamataan tayong aktibidad ng China sa teritoryo, kaya palitan lang aniya ito ng protesta.
Hindi naman aniya ito dapat ikabahala at hindi inaasahang mauuwi sa mabigat na eksena.
Kontrolado pa naman aniya at napangangasiwaan nang maigi ang sitwasyon sa pamamagitan ng dayalogo.
Naniniwala rin si Lorenzana na hindi naman mag-uudyok ng tensyon ang pagbisitang ginawa nito sa Pag-asa Island.
Normal na pagbisita lamang daw ito sa teritoryo ng bansa at para makita rin ang sitwasyon ng mga sundalong nagbabantay dito.
Gusto rin aniya niyang malaman kung ano ano pa ang mga dagdag na pangangailangan ng mga sundalo na pwedeng ipagkaloob sa kanila ng gobyerno, kasama na ang mga residente sa lugar.