LA UNION – Nahaharap ngayon sa kasong frustrated murder at pagbabanta ang isang 18-anyos na estudyante na nanaksak at umano’y nagbanta na papatayin ang isang barkada nito.
Nag-ugat ang kaso dahil umano sa asaran ng mga ito sa kanilang facebook group chat.
Kinilala ang biktima na si John Nestor Cajanding, 25, binata, habang ang suspek ay si Eleazar de Guzman, 18, isang working student, at kapwa residente ng Poblacion Norte, Caba, La Union.
Batay sa report, ang matinding galit ng suspek ang nag-udyok sa kanya para saksakin ang biktima.
Nang makita ng suspek ang biktima na bumibili ng sigarilyo sa isang tindahan ay agad nitong nilapitan at inundayan ng saksak kung saan napuruhan ang biktima sa kamay.
Dinala ang biktima sa Caba District Hospital at nasa mabuti na umanong kalagayan.
Habang ang suspek ay agad inaresto ng mga rumespondeng pulis.