DAVAO CITY – Patay ang asawa at kumpare sa pananaga matapos maabutan ng mister na nagtatalik sa kubo ng kumpare sa Barangay Gupitan, Kapalong, Davao del Norte.
Napag-alaman mula sa Kapalong Police Station na nagkasundo ang magkumpare na manguha ng kamote sa bukid ng kumpare na nakilala sa pangalang Berting, 25 taong gulang.
Nang nasa bahay na ng kumpare saka pa napag-isipan ng mister na nakilalang isang alyas Jerico, 25 taong gulang, na naiwan nito ang basket na paglalagyan sana ng kamote sa kanilang bahay.
Umuwi muna si Jerico at binalikan ang naiwang basket.
Iniwan nito sa bahay ng kumpareng si Berting ang asawa nitong 25 taong gulang din na si Jean-Jean at ang kanilang anak.
Nang bumalik na sa bahay ng kumapre nagtaka ang mister na ang kanilang anak ay naglalaro sa silong ng bahay at wala ang kumpare at ang misis ng suspek.
Nang magsiyasat ang suspek nasaksihan nito ang kataksilan ng kanyang misis at kumpare.
Nandilim ang paningin ng suspek at pinagtataga nito ang dalawa na naabutan niyang nakapatong at nagtatalik.
Ang lalaki napurohan sa mga taga, samantalang ang misis kahit sugatan na, nagawa pang makatakbo sa silong ng bahay ngunit doon na nalagutan ng buhay.
Sa ngayon pinaghahanap na ang suspek na kaagad na tumakas dala ang kanilang anak.