(Update) CAGAYAN DE ORO CITY – Itinuturing ng militar na malaking dagok para sa kilusang Communist Party of the Philippines -New People’s Army (CPP-NPA) ang panibagong pagkaaresto sa dalawa umanong kumander ng kilusan nang isagawa ang joint operation ng militar at pulisya sa Purok 1, Brgy. Kalasungay, Malaybalay City, Bukidnon.
Una rito, naisilbi ng mga otoridad ang maraming warrant of arrests laban kina Lorna Micabalo alyas “Ating,” 65, maybahay ng CPP-NPA Misamis Oriental-Bukidnon area commanding officer na si Dionesio Micabalo ng North Central Mindanao Regional Committee (NCMRC); at Jean Montemayor sa nabanggit na lugar.
Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni 403rd Infantry Battalion, Philippine Army commander BGen. Ferdinand Barandon na si Micabalo ay nagsilbing kalihim at finance officer ng Sub-Regional Committee-4 ng NCMRC at nahaharap ng halos 10 kasong kriminal sa anim na korte ng rehiyon sa Butuan City.
Inihayag ni Barandon na si Montemayor na taga-North Cotabato naman ay may katulad na katungkulan rin kay Micabalo subalit sa Guerilla Front 68 B sa NCRMC.
Inaakusa naman ng mga otoridad na nakunan ng mga eksplosibo ang dalawang top rebel commanders habang isinilbi ang warrant of arrest sa bahay ni Micabalo sa nabanggit na lungsod.
Natuklasan na ang asawa ni Lorna na si Dionesio ay kasalukuyang may patong sa ulo na P5-milyong reward money dahil sa maraming kasong kriminal na isinangkot ng gobyerno laban sa kanya.
Sa ngayon, wala pang inilalabas na pahayag ang kabilang grupo kaugnay sa pagkakadakip sa dalawang amasona.