-- Advertisements --

NAGA CITY – Patay ang asawa ng isang pulis habang sugatan naman ang tatlong iba pa matapos na pagbabarilin sa Purok 6, Barangay San Jose, San Vicente, Camarines Norte.

Kinilala ang binawian ng buhay na si Christine Ponayo, asawa ng pulis na si PCpl. Johnnwise Ponayo na nagtamo rin ng mga sugat gayundin sina Alex Duave at Erlin Duave, kapwa residente ng naturang lugar.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Norte Police Provincial Office, nabatid na habang hinahanda ni Johnnwise ang sasakyan na gagamitin nila para dalhin sa opsital ang suspek na bayaw nito ng bigla na lamang nitong hablutin ang service firearm ni Ponayo na nakasukbit sa bewang nito.

Dito na rin ilang beses pinaputukan ng suspek ang mga biktima na naging dahilan para magtamo ang mga ito ng tama ng bala sa iba’t-ibang bahagi ng kanilang katawan.

Agad naman dinala sa ospital ang biktima ngunit ideklara ng dead on arrival ng mga doktor si Christine.

Samantala, sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, nabatid na mayroon palang problema sa pag-iisip ang nasabing suspek.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga otoridad ang suspek para sa karampatang disposisyon.