-- Advertisements --

Arestado ang misis ng napatay na si Omar Khayam Maute kasama ang anim nilang anak sa isinagawang operasyon ng mga otoridad sa Tubod, Iligan City, kaninang alas-9:30 ng umaga.

Ayon kay Police Regional Office (PRO)-10 regional police director, C/Supt. Tim Pacleb, may nakuha silang impormasyon kaugnay sa presensiya ng isang alyas Baby na kabilang sa listahan na aarestuhin ng mga pulis.

Ang pinagsanib na puwersa ng Joint Task Force Ranao ang umaresto kay Minhati Madrais alyas Baby na isang Indonesial national at asawa ni Omar Maute.

Kasamang nahuli ni alyas Baby ang anim na batang anak na kinabibilangan ng apat na babae at dalawang lalaki.

Ang mga bata ay may edad lamang na 12 at 10-anyos, gayundin ang pito, anim, at dalawang taong gulang, at ang siyam na buwan na sanggol.

Nakuha sa posisyon ni Baby ang apat na blasting cap, dalawang detonating cord, at isang time fuse.

Nadiskubre din ng pulisya na expired na ang passport nito.

Kasalukuyang nananatili sa Iligan City Police Office si Madrais kasama ang anim na anak nito.

Sinabi ni Pacleb na nakikipag-ugnayan na rin ng Iligan-Philippine Natioanl Police sa Department of Social Welfare and Development para sa kustodiya ng anim na bata.

Kung maaalala, isa si Omar sa mga lider ng Islamic State-inspired gunmen na nakipaglaban sa tropa ng gobyerno sa limang buwan na giyera sa Marawi City.

Oktubre 16 nang mapatay siya at si Abu Sayyaf leader Isnilon Hapilon.