Dumating na sa Washington D.C. ang asawa ng nasawing Pilipinong pulis na si Police Colonel Pergentino Malabed Jr. sa US plane crash nitong umaga ng Linggo, oras sa PH para tukuyin ang pagkakakilanlan ng biktima.
Sinalubong nina Police Attaché Police Colonel Moises Villaceran Jr. at Consul General Donna Rodriguez ang maybahay ng nasawing pulis na si Rio Malabed sa Reagan National Airport dakong alas-8 ng gabi noong Sabado, oras sa US.
Inalalayan din ng mga kinatawan mula sa American Airlines si Rio sa kaniyang pagdating sa paliparan, saka dinala sa isang hotel para makapagpahinga bago sumailalim sa official briefing sa mga awtoridad sa US.
Ayon kay Police Attaché Villaceran, nag-request sila ng agarang briefing sa mga awtoridad para kay Rio para matulungan siyang maunawaan ang sitwasyon at legal na proseso na gagawin.
Subalit, wala pang timeline sa ngayon para sa repatriation ng labi ni Col. Malabed pauwi ng PH.
Nagpaabot naman ng pakikiramay ang Konsulada ng PH sa Washington at tiniyak ang buong suporta para sa naulilang pamilya ni Col. Malabed.
Matatandaan na si Col. Malabed ay isa sa kabuuang 67 katao na nasawi sa malagim na plane crash na nangyari noong gabi ng Enero 29 matapos sumalpok ang American passenger jet sa US Army Black Hawk helicopter.