Kinumpirma ni Migrant Workers OIC Hans Leo Cacdac na nakalabas na ng ospital ang mister ng Pinay na nasawi sa sunog sa residential tower sa Sharjah, UAE.
Ayon kay Cacdac, inaayos na nila ang repatriation ng naturang Pinoy na unang nalagay na kritikal na sitwasyon matapos ang naturang insidente ng sunog.
Kaugnay niyo ay tiniyak din ni Cacdac na inaayos na rin nila ang pag-uwi sa mga labi ng nasawing Pinay.
11 iba pang mga Pinoy ang naapektuhan din sa naturang sunog at agad na inilipat sa hotel sa Sharjah.
Kung maaalala, iniulat ng DMW’s Migrant Workers Office sa Dubai (MWO-Dubai) na isang Pinay ang namatay habang 10 overseas Filipino worker (OFWs) at dalawang bata ang nasugatan sa sunog na tumupok sa isang 39-palapag na residential building sa distrito ng Sharjah noong Abril 4, 2024.
Binisita na rin ng MWO-Dubai ang lahat ng sugatang OFW at dalawang bata upang alamin ang kanilang kalagayan at upang matukoy ang mga karagdagang pangangailangan.
Sila ngayon ay nagpapagaling sa isang lokal na hotel na inayos para sa kanila ng mga opisyal ng lokal na pamahalaan ng Sharjah.