-- Advertisements --

Nagkasundo ang member states ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) at China para makumpleto ang Code of Conduct sa pinagtatalunang karagatan (South China Sea) pagsapit ng 2026.

Ayon kay Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Enrique Manalo, lahat sila ay politically committed na magkaroon ng code of conduct sa susunod na taon at gagawin anila ang kanilang makakaya para mangyari ito.

Inamin naman ng kalihim na may ilang mga isyu na kailangang mapagkasunduan ng lahat ng mga bansa para makumpleto ang Code of Conduct.

Saad pa ng DFA chief na tulad ng sinabi ni Pangulong Fedinand Marcos Jr. kailangang matugunan ang mahahalagang isyu gaya ng saklaw ng naturang code gayundin ang nature nito at kaugnayan nito sa Declaration of the Principles na in-adopt noong 2002 kaugnay sa disputed waters.

Sinabi ni Sec. Manalo na ang mga isyu gaya sa WPS ang isa sa mga dahilan kung bakit kailangan na magkaroon ng naturang Code of Conduct.

Kaugnay nito, ngayong Abril, nagsagawa ang ASEAN at China ng tatlong araw na negosasyon sa Maynila kaugnay sa panukalang Code of Conduct sa disputed waters.

Layunin ng naturang kasunduan na makapaglatag ng mga patakaran para mapangasiwaan ang territorial disputes at maitaguyod ang mapayapang pagresolba ng conflicts sa pinagtatalunang karagatan.