Nagkasundo ang Pilipinas at siyam na iba pang kasaping bansa ng ASEAN na hindi magpapataw ng ”retaliatory measures” laban sa Estados Unidos kaugnay ng mga bagong ipinatupad na taripa.
Sa isang pulong ng mga economic ministers na ginanap sa Kuala Lumpur nitong Huwebes, binigyang-diin nilang mas makabubuti ang mga dayalogo kaysa gantihan ito, lalo’t ang US ang pinakamalaking pinagkukunan ng foreign direct investments ng ASEAN at pangalawang pinakamalaking trading partner noong 2024.
Ayon kay Frederick Go, Special Assistant to the President for Investment and Economic Affairs, nakipag-ugnayan na ang administrasyong Marcos sa Office of the United States Trade Representative (USTR) upang simulan ang pag-uusap. Inaasahang magtatakda ito ng pagpu-pulong sa lalong madaling panahon.
Samantla sinabi naman ni Trade Secretary Ma. Cristina Roque na pinagtuunan din ng pansin ang paggawa ng impact assessment at mitigation strategies para protektahan ang mga interes ng rehiyon at mapanatili ang kumpiyansa ng mga mamumuhunan.
Bukod sa taripa, tinalakay rin ng ASEAN ministers ang pagpapalakas ng intra-ASEAN trade upang labanan ang external economic pressures.
Nabatid na naapektuhan ng mabibigat na taripa ng Estados Unidos ang ilang ASEAN member-states, kabilang ang Vietnam (46%), Cambodia (49%), Laos (48%), at Pilipinas (17%).