Mariing kinondena ng Southeast Asian Nation (ASEAN) ang pambobomba sa Mindanao State University (MSU) sa Marawi city na tinawag na isang heinous terrorist attack na kumitil sa 4 na katao habang idinaraos ang isang misa.
Sa isang statement, nagpaabot ng taus-pusong pakikiramay sa mga naulilang pamilya ng mga nasawi sa pagsabog.
Una ng inako ng Islamic State militants na sila ang responsable sa naturang pag-atake kasunod ng naging pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos jr. na mga dayuhang mga terorista ang nasa likod ng pagsabog.
Sa kasalukuyan, natukoy na ng mga awtoridad ang 2 sa mga suspek na mga miyembro ng Daulah-Islamiyah Maute, isang local group na sangkot sa 5 buwang Marawi siege noong 2017 kasama ang mga militanteng grupo mula sa Indonesia at Malaysia.
Ayon kay AFP Public Affairs Office chief Col. Xerxes Trinidad, ang isa sa mga suspek ay natukoy na si Jaffar Gamo Sultan alias Jaf at Kurot na naaresto naman noong araw ng Miyerkules sa Barangay Dulay Proper sa Marawi city. Ito ay isa sa kasabwat ng nagngangalang alias Omar, ang lalaki na isa sa ikinokonsiderang nagdala ng improvised explosive device sa Dimaporo Gymnasium sa loob ng unibersidad.
Sinabi ng AFP ngayong araw na noong Disyembre 6, naaresto nila sa Marawi ang naturang suspek na nag-iwan ng bomba sa gymnasium na kinilala ng mga testigo.
Saad pa ng opisyal na nagpapatuloy pa ang paghahanap sa iba pang mga suspek na sangkot sa insidente.