Nanindigan ang mga lider ng mga bansa sa Southeast Asia na ang internasyonal na batas, partikular ang United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), ang dapat na maging basehan ng soberenya at mga karapatan sa pinagtatalunang South China Sea.
Ito ay batay sa pahayag na inilabas ng Vietnam sa ngalan ng mga pinuno ng mga bansang kasapi ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).
Nitong Biyernes nang isagawa ang kauna-unahang virtual ASEAN Summit, kung saan natalakay ang coronavirus pandemic at ang mga territorial disputes.
“We reaffirmed that the 1982 UNCLOS is the basis for determining maritime entitlements, sovereign rights, jurisdiction, and legitimate interests over maritime zones,” saad sa pahayag ng ASEAN.
Laman ng UNCLOS ang mga karapatan at pananagutan ng mga bansa hinggil sa paggamit ng mga karagatan ng mundo.
Nagtataguyod din ito ng mga alituntunin sa mga negosyo, kalikasan at pamamahala ng likas na yamang dagat.
Ayon pa sa 10-nation bloc, nakasaad sa UNCLOS ang legal framework na dapat umanong sundin sa lahat ng mga isyu patungkol sa mga karagatan.
Sa ngayon, wala pang tugon ang mga opisyal mula sa China tungkol sa nasabing paksa.
Sinasabing ito na ang isa sa mga pinakamatapang na pahayag ng ASEAN laban sa pang-aangkin ng China sa pinagtatalunang mga teritoryo sa malawak na karagatan.
Noong Hulyo 2016 nang paburan ng Permanent Court of Arbitration (PCA) ang Pilipinas sa isyu sa West Philippine Sea, ngunit binalewala lamang ito ng China. (AP)