Target ng prison service leaders mula sa mga bansang kasapi sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) na matalakay ang posibleng ASEAN-wide prisoner swap para pahintulutan ang mga convicted individual na nasa ibang bansa na maisilbi ang kanilang sentensiya sa kanilang sariling bansa.
Ayon kay Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Catapang Jr., ang naturang kasunduan ay may mahalagang benepisyo gaya na lamang aniya kung may nakulong na Pilipino sa ibang bansa sa ASEAN tulad ng Singapore, maaaring mailipat ito sa Pilipinas para dito na isilbi ang kaniyang sentensiya o kaya naman ay vice versa.
Sumasalamin aniya ang posibleng kasunduan sa potential agreements din sa iba pang mga bansa.
Sinabi din ng opisyal na nais nilang mag-develop ng camaraderie sa tamang pamamaraan ng pangangasiwa sa ating penal at correctional system.
Ginawa ng BuCor official ang pahayag sa panayam sa kaniya ng media sa gitna ng idinaraos na ikalawang ASEAN Regional Correctional Conference 2025 kung saan ang Pilipinas ang kasalukuyang host na nagsimula kahapon at magtatagal hanggang sa Pebrero 17, sa Puerto Prinsesa, Palawan. Dinaluhan ito ng mga prison service leaders mula sa mga bansang kasapi ng ASEAN.