NAGA CITY – Kampante ang kapulisan na magiging maganda ang mga kaganapan sa Bureau of Corrections (BuCor) kung si Asec. Melvin Ramon Buenafe na talaga ang gawing BuCor chief kapalit ng pinatalsik na si Nicanor Faeldon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Senior Master Sgt. Tobby Bongon, tagapagsalita ng Naga City Police Office (NCPO), sinabi nitong bagamat matagal nang laman ng mga kontrobersiya ang naturang ahensya, naniniwala si Bongon na hindi nito maapektuhan ang imahe ni Buenafe.
Ayon kay Bongon, naniniwala siyang kayang hawakan at kaharapin ni Buenafe ang mga problema sa BuCor gaya ng ginawa nitong paglaban sa iligal na droga sa Bicol sa pamamagitan ng binuong Bicol Region Against Drugs (BRAD).
Sa ngayon, ayon kay Bongon dapat aniyang bigyan ng tyansa si Buenafe na patunayan ang kaya nitong magawa sa loob ng ahensya.
Si Buenafe, ang dating regional director ng PRO5 bago ito naging assistant secretary ng BuCor noong si Sen. Bato Dela Rosa pa ang Bucor chief.