BUTUAN CITY – Kinumpirma ni Butuan City veterinary officer Dr. Danilo Mancio-Alegado na may kumpirmadong kaso na ng African swine fever (ASF) sa Purok 13 at 14 ng Brgy. Florida nitong lungsod ng Butuan.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, inihayag ng beterinaryo na nakapagtala sila ng mga kaso, base na sa natanggap nilang sulat mula sa Department of Agriculture (DA) Caraga nitong nakalipas na Miyerkules, base na rin sa ipinadalang resulta ng eksaminasyon mula sa kanilang sentrong tanggapan.
Matapos matanggap ang sulat ay kaagad syang nakikipagkita kay Mayor Ronnie Vicente Lagnada at nakipagpulong na rin sa mga tauhan ng Butuan City ASF Task Force upang kaagad na maaksyunan ang nasabing mga kaso.
Lumabas sa kanilang imbestigasyon na mula noong nai-transport ng mga biyahidor ang kaniang mga alagang baboy mula sa Agusan del Sur patungo sa ilang mga destinasyon kung saan kasama na dito ang Brgy. Florida, dito na na-monitor ng mga residente na namamatay na ang kanilang mga alagang baboy.
Aminado din itong huli na nang dumating sa kanilang kaalaman ang naturang insidente.
Kahapon ay sinimulan na nila ang depopulation sa mga alagang baboy lalo na sa mga lugar na pasok sa 500-meter radius mula sa nakumpirmang mga kaso ng ASF.
Base umano sa kanilang protocol, wala ng gagawing dayalogo sa pagitan ng kanilang ahensya at sa mga local hog raisers kaugnay sa gagawing depopulation dahil kailangan ang mabilisang aksyon upang hindi na lalala pa ang kaso ng ASF.