CENTRAL MINDANAO- Inanunsyo ni Mayor Herlo Guzman Jr na walang African Swine Fever (ASF) sa bayan ng kabacan Cotabato.
Aniya, matapos na mapabalitang dumami ang ASF Case sa lalawigan ng Cotabato lalo na sa Magpet Cotabato, ipinag-utos nito sa Municipal Agriculture Office sa pangunguna ni MAO Tessie Nidoy na mas palakasin ang pagbabantay ng mga entry point sa bayan at suyurin ang mga nag-aalaga ng baboy.
Matatandaang kasabay ng covid-19 ay nagsagawa rin ang bayan ng preventive measure upang matugunan ang pagkalat ng ASF.
Sinabi din ng alkalde na maglalabas ito ng isang executive order upang mas mabigyan ng kontrol ang MAO at kapulisan na ipagbawal ang pagpasok ng fresh, live, processed na pork meat products.
Dagdag pa ng alkalde, kailangang ma-inspect ang mga kinakatay na baboy lalo pa’t mas malaki ang backyard piggery sa bayan. Inatasan nito ang mga Brgy. Officials na ipagbigay alam sa mga magbababoy kung kelan ito magkakatay upang ma-inspect muna.
Nagpapatuloy naman ang mas matinding profiling ng Municipal Agri Office sa mga magbababoy sa bayan ng Kabacan.