-- Advertisements --

NAGA CITY – Tinatayang aabot sa humigit kumulang 300 na mga baboy ang posibleng isailalim sa culling operation mula sa Barangay Cararayan, Naga City.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Kapitan Rodrigo Agravante, sinabi nitong galit at lungkot ngayon ang nararamdaman ng kanyang mga apektadong residente sa nasabing plano ng pamahalaan.

Ayon kay Agravante, may mga hog raisers mula sa kanyang barangay ang tumangging magpalista at ayaw ibigay ang kanilang mga alagang baboy.

Ang iba naman aniya, nagbanta na ipapalapa sa mga alagang aso ang grupo na kukuha ng kanilang mga baboy.

Kaugnay nito, nanawagan naman si Agravante sa kanyang mga residente na intindihin na lamang ang naturang hakbang lalo na at layunin naman nito na mapigilan ang pagkalat ng nasabing sakit.

Una rito, ideneklara na nitong araw ng Martes ng Sangguniang Panlungsod ng lokal na pamahalaan ng Naga ang State of Calamity matapos magpositibo sa naturang sakit ang mga baboy sa ilang mga barangay sa lugar.

Sa pamamagitan ng naturang deklarasyon, mas matutulungan nito ang mga apektdong hog raiser nakatakdang magbigay ang lokal na gobyerno ng Naga City sa mga apektadong hog raisers.

Nabatid na maliban sa P5,000 mula sa Department of Agriculture, makakatanggap din ang mga hog raiser ng nasa P3,000 para sa mga buntis na baboy, P2,000 sa mga dumedede pang mga biik at P1,000 naman para sa mga hiwalay na sa ina.